Isinulat ni Jenifer Rafols Monta (Grade 11 HUMSS)
Nakatirik na ang sikat ng araw sa maliit na barong-barong, tanging tagpi-tagpi tela lamang ang nagsisilbing dingding ng nakalulumong kapaligiran. Mainit, mabaho, at masangsang na amoy ng mga bulok na basurang araw-araw sinisinghot ng tulad niyang bata pa lamang ay nakasanayang makita at maramdaman ang lahat na yata ng dumi sa mundo ay nasa kanila na. Sa init na dumampi sa noo ni Aneng ay dali-dali siyang bumangon… “Umaga na pala,” sambit niya sa sarili.
“Buwesit na buhay to, oo, Kay aga-aga pa natalo na naman ako sa madyong!” sigaw ni Aling Magda habang binuksan ang kalderong malapit sa mesa. “Putrages, wala pang sinaing? Aneng! Ano bang ginagawa mo dyan, letche ka ha at hindi ka pa nakapagsaing? Gutom na gutom na ako, alam mo bang kagabi pa akong hindi kumakain ha… Ang hirap sa iyo, bantugan ka, nagsisisi akong iniluwal pa kita, wala kang silbi! Sabay tulak sa kanya ng kanyang ina.
“ Bakit inay, may bigas po ba tayong isasaing? Kagabi pa nga po kaming hindi kumakain, kaya nga nagkasakit si Neneng oh dahil sa gutom”, sabay turo ni Aneng sa nakababatang kapatid na halos buto’t balat nalang na nakahiga sa buslo-buslong lantay ng kanilang barong-barong.
”Ang hirap sa inyo, sarili niyo lang ang iniisip niyo!” pasigaw niyang sabi.
“Simula ng namatay si tatay ay nagkakagan—“ Pak! Isang malupit na sampal ang dumampi sa pisngi ni Aneng.
“Wala kang mudo bata ka, lumayas ka rito at huwag ka ng bumalik pa! Hindi kita kailangan! sigaw ni Aling Magda habang itinutulak ang anak.
“Ate, ate huwag mo akong iiwan! Ate!” pasigaw ngunit maliit na tinig lamang ang lumabas sa bibig ni Neneng na parang wala ng lakas ito. Tila nagbingi-bingihan si Aneng sa narinig. Dali-dali siyang tumakbo papalayo sa ina, sa kanyang kapatid na puno ng galit at pagka poot sa ina. Ngunit ang paglayo na iyon ay may bahid ng determinasyon. Pangako niya sa sarili na babalikan ang kapatid at iiwan ang masalimuot na mundo, mundong ginagalawan ng kanyang iresponsableng ina. Ikinuyom niya ang mga palad at tila noong araw na iyon, hinihila siya ng kanyang mga paa patungo sa simbahang malapit sa kanilang lungsod. Init ng araw na tila walang silbi sa mga paang kanina pa pinapaso ng sementong kapaligiran. Maraming tao, maingay, kasing ingay ng sikmura niyang kahapon pa sumisigaw ng pagkain. Napansin niyang maraming bata at matanda ang nasa labas ng simbahan. Nangungusap ang kanilang mga mata, tagpi-tagping mga damit, at tila nakikiusap sa mga taong lumalabas at dumadaan ng simbahan sabay abot ng lata sa mga ito.
“Maawa napo kayo mama, ale. Pagkain lang po, gutom na gutom napo ako. Sige napo.” Sabay abot ng lata sa isang ale, maya-maya pa ay kumalansing na ang lata, hudyat iyon na may inilagay na barya ang ale.
“Subukan ko kaya”, bulong niya sa sarili habang pinapanood ang mga batang iyon sa simbahan. Pumuwesto siya sa gawing kanan sa gilid ng simbahang iyon. Akma namang katatapos lang ng misa. Tumingala siya at pinikit ang mga mata, “Lord, sana may maawa sa akin ng may pambili ako ng pagkain.” Taimtim niyang dasal. Hayan na at may isang lumabas, isang mamang nagmamadali sa paglakad.
“Mama, pahingi po, pagkain lang.” tila nagsasalita siya sa hangin, hindi siya pinansin nito bagkus dali-dali itong umalis. Sumunod ang Ale na may dalang bata. “Ale, ale, pagkain lang po, gutom na gutom na po ako.” Luluha-luha niyang sabi sabay bukas ng maliit niyang palad. May namumuong pag-asa sa kanyang mga mata ng dumukot ang ale sa kanyang pitaka. “O heto, limang piso, pambili mo ng tinapay.” At inabot sa kanya ang limang piso at dali-daling inalis ang kamay sa kanyang mumunting daliri na tila nandidiri. Ang iba ay nagsasabing “Saan ba mga magulang mo ha at nanlilimos ka? Siguro ay inuutusan ka ng magulang mo noh?” sabay abot ng dalawang barya sa kanyang kamay. Ngunit ni isang salita walang lumabas sa bibig ni Aneng. Ang tanging nasa isip lang niya ay makabili ng pagkain pantustos sa sikmura niyang nagrereklamo at higit sa lahat ay may pagkain siyang maibibigay sa kapatid niyang may sakit na si Neneng.
“Isa, dalawa, tatlo…” dalawampung piso ang kinuyom ng kanyang nanginginig na palad. Lilinga- linga siyang naghanap ng pinakamalapit na tindahan ng tinapay at iksaktong nasa malapit lang pala iyon sa kinatatayuan niya. Dali-dali siyang tumakbo at bumili. Pagkaraan ay may hawak na siyang dalawang tinapay at pansit. “Sa wakas, makakakain na rin si Neneng!” buong sabik at sambit niya sa sarili. Lalakad, tatakbo, lalakad ulit sa makipot na eskinita hanggang makarating sa may maruming estero. Esterong puno ng basurang hudyat na malapit na siya sa kanilang barong-barong. “Neneng! Neneng!andito na ang ate!” Malayo pa lang ay sigaw na niya ito. “Neneng! May dalang pagkain ang ate oh!” Ngunit isang hagulhol ang sagot ng isang tinig sa kanyang sigaw. Maraming tao sa kanilang maliit na barong-barong. Nakaramdam siya ng masamang kutob na parang sasabog na ang kanyang dibdib sa mga sandaling iyon. Doon ay nadatnan niya ang kanyang ina. Buong lakas siyang pumasok sa barong-barong. “Anong nagyari?!” malakas niyang tanong sa kanyang inang umiiyak. “Si Neneng, Si Neneng…” “Bakit, anong nangyari kay Neneng, nasaan si Neneng?” Pagkuway nakita niya ang kapatid niyang nakahiga at nakapikit ang mga malalim na mga mata . “Neneng, gumising ka, heto at may dalang pagkain ang ate oh! Di ba nagugutom ka? Halika Neneng.” Sabay iyak na ipinawagayway ang tinapay at pansit sa wala ng buhay na kapatid.